Capitol Press Release: Kaya Natin!, kinondena ang recall
- “Sana respetuhin ng mga kalaban sa pulitika ni Gov. Panlilio na ibinoto siya ng mga Kapampangan. Huwag silang atat na maging gubernador, patapusin muna nila ang termino ni Among Ed”. – Keh
Provincial Capitol, Pampanga – Humarap ang ilan sa miembro ng grupong Kaya Natin! sa media at nagpahayag ng suporta kay Gov. Eddie Panlilio nitong nakaraang araw sa Executive House dito sa Kapitolyo.
Binigyang linaw nina Harvey Keh ng Ateneo School of Government at ni Mayor Sonia Lorenzo ng San Isidro, Nueva Ecija, kapwa miembro ng Kaya Natin! na ang pagpunta nila sa Pampanga ay hindi upang makialam kundi para suportahan si Gov. Panlilio at ang mga Kapampangan.
“We cross barriers when it comes to good governance”, paliwanag ni Lorenzo. “Kaming mga local executives ay nagtutulungan at nagbibigay ng suporta sa bawat isa”. Binigyang diin nina Keh at Lorenzo, na kasama nina Gov. Grace Padaca ng Isabela, Gov. Teddy Baguilat ng Ifugao, at Mayor Jesse Robredo ng Naga City, susuportahan nila si Gov. Panlilio dahil nakikita nila itong huli na simbolo ng malinis na pamamahala.
Pinaninindigan ng Kaya Natin! na ang recall petition laban kay Gov. Panlilio ay isinusulong lamang ng kanyang mga kalaban sa pulitika. “Simple ang dahilan – sapagkat una, nasagasaan ni Gov. Panlilio ang mga medyo may nakukuha noon sa quarry at pangalawa, dahil nililinis ni Among Ed ang imahen ng Pampanga na jueteng vatican ng Pilipinas”, pahayag ni Keh.
Sa kanyang pagpapatuloy, sinabi ni Keh na noong nakaraang May 2007 election ay hinangaan ng buong bansa ang mga Kapampangan dahil pinatunayan nila na buhay na buhay ang good governance sa Pampanga. Ani Keh, “sa kagustuhan ninyong magkaroon ng matinong pamamahala ay inihalal ninyo ang isang kandidatong walang makinarya sa pulitika at walang pera”. “Sana ay huwag po ninyong kakalimutan yon”, hamon ni Keh sa mga Kapampangan.
Buong tiwala namang inihayag ni Among Ed na hindi siya naniniwalang matutuloy ang recall election. “Kung matutuloy man, sabi ng gubernador, mananalo ako sapagkat higit na mas matalino ang mga bumoboto ngayon”.
Dumalo at nagbigay din ng suporta kay Gov. Panlilio ang ilang miembro ng civil society tulad ng KASAUP na kinabibilangan ng mga municipal coordinators, at ilang kawani ng Kapitolyo tulad ng department heads at mga miembro ng BALAS na hindi naka-duty.
Ang Kaya Natin! ay isang grupo na nagtataguyod ng good governance at ethical leadership. Naniniwala ang mga miembro nito na para umangat ang Pilipinas, kailangan nito ng mga magagaling na lider na kakatawan sa tamang pagseserbisyo at malinis na pamamahala. Itinataguyod ng Kaya Natin! sa pamamagitan ng pagbisita nina Gov. Panlilio, Gov. Padaca, Gov. Baguilat, Mayor Robredo, at Mayor Lorenzo sa mga iba’t ibang organisasyon at eskwelahan na malaki pa ang pag-asa ng ating bayan upang magkaroon ng mga modelong lingkod bayan. /PIO
